Mayorya ng mga Pilipino, naniniwalang pahirap ang suspensyon ng pampublikong transportasyon at pagsasara ng mga negosyo ayon sa SWS survey

“Pahirap” o “Burdensome”

Ito ang giit ng mayorya ng mga Pilipino matapos suspendihin ang pampublikong transportasyon at pagsasara ng mga negosyo.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 77% ng pamilyang Pilipino ang nagsabing pasanin nila ang suspensyon ng mass transportation dulot ng ipinapatupad na quarantine protocols.


Kung hihimayin, 40% ang sumagot ng “matinding pahirap” at 37% ang nagsabing “medyo pahirap.”

Nasa 22% ang nasabing maliit lamang ang epekto o hindi pahirap ang suspensyon.

Nalaman din sa survey ng 47% ang walang sasakyan, 6% ang may four-wheeled vehicle, 12% ang may three-wheeled vehicle, at 30% ang may two-wheeled vehicle at 11% ang mayroong bisikleta.

Ang mga pamilyang nakakaranas ng pasanin mula sa suspensyon ng pampublikong transportation ay mataas sa mga walang sasakyan (82%) kumpara sa mga mayroong sasakyan na nasa 73%.

Ang mga pamilyang nahihirapan dahil sa suspensyon ng public transport ay mataas sa Metro Manila (81%), kasunod ang Visayas (78%), Mindanao (77%) at Balance Luzon (76%).

Lumabas sa survey ng 80% ng pamilyang Pilipino ang nasabing pahirap ang pagsasara ng mga negosyo, kung saan 37% ang nakaranas ng “matinding pahirap” at 43% ang nakaranas ng “medyo pahirap.”

Nasa 20% lamang ang nagsabi na maliit lamang ito na pasanin o hindi pabigat para sa kanila.

Ang survey ay isinagawa mula May 4 hanggang May 10, 2020 sa 4,010 respondents sa pamamagitan ng phone o Computer-Assisted Telephone Interview (CATI) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Facebook Comments