Meat importers, hinimok si PBBM na bawasan ang taripa sa pag-import ng karneng baboy; DA, tiniyak naman na sapat ang suplay ng baboy at manok sa bansa ngayong holiday season!

Hinimok ng Meat Importers and Traders Association (MITA) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na bawasan ang taripa sa pag-a-angkat ng baboy sa susunod na limang taon.

Ayon sa MITA, ang pagbabawas ng mga taripa ay isang agarang solusyon, habang pinalalakas ng bansa ang lokal na agrikultura upang makamit ang seguridad sa pagkain at labanan din ang patuloy na pagtaas ng inflation rate.

Umapela ang MITA sa pangulo na maglabas ng bagong Executive Order (EO) at ibalik ang “import duty rates” sa baboy na 5% na quota at 15 percent out quota sa loob ng limang taon.


Dagdag pa ng grupo, nananatiling panganib ang African Swine Fever (ASF) sa domestic swine industry, kung saan binigyang-diin din nito na mayroong 1 hanggang 3 porsiyentong pagbawas sa bilang ng mga inahing baboy sa mga pangunahing rehiyon ng paggawa ng baboy sa buong mundo, kabilang ang mga nasa Europa at Hilagang Amerika.

Matatandaang, inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang EO 134 S2021 noong nakaraang taon upang mapababa ang duty rates sa baboy dahil sa kakulangan ng suplay nito dulot ng ASF at epektibo lang ito noong December 2021.

Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na sapat ang suplay ng baboy at karne ng manok sa bansa ngayong holiday season.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na inaasahang tataas ang produksyon ng baboy sa pagtatapos ng taon.

Habang, magkakaroon din aniya ng “surplus” sa karne ng manok sa huling quarter ngayong taon, kung saan pinakamataas na surplus sa 181,043 metric tons.

Batay sa food supply, demand at sufficiency outlook ng DA ngayong taon, ang kabuuang lokal na produksyon ng baboy ay nasa 1.34 million metric tons, habang 290,000 metric tons ang imported.

Facebook Comments