MECHANICAL O HUMAN ERROR, POSIBLENG SANHI NG PAGKAHULOG NG VAN-4 PATAY SA BANGIN SA TABUK CITY

Cauayan City, Isabela- Mechanical o Human Error ang nakikitang sanhi ng pulisya nangyaring pagkahulog ng Van sa bangin a Tabuk City, Kalinga na ikinamatay ng apat na magkakapamilya.

Sa nakuhang impormasyon ng iFM Cauayan sa Tabuk City Police Station, kasalukuyan pa ang imbestigasyon ng kapulisan sa nangyaring trahedya kung saan hirap pang tukuyin ng mga imbestigador ang mismong dahilan ng pagbagsak sa bangin ng sakay ng mga biktima.

Pero, dalawang bagay lang naman umano ang posibleng sanhi na maaaring nakaidlip ang driver ng sasakyan na si Pastor Marcelo Sagyaman o di kaya’y nagkaproblema ang kanilang sasakyan kaya tuluyang nahulog sa bangin na tinatayang nasa mahigit kumulang 150 metrong taas nitong madaling araw ng Sabado de Gloria, Abril 16, 2022.

Bukod sa nasawing driver ng sasakyan, patay rin ang kanyang may-bahay na si Pastora Marivic Sagyaman at ang kanilang dalawang anak na sina Marvin Sagyaman, at Arcel Sagyaman na pawang mga residente ng Sacpil, Conner, Apayao.

Nabatid na may mga naunang ka-convoy ang mga biktima galing sa isang pagtitipon sa Mt. Province subalit nang mapansin na wala pa ang sakay ng mga biktima ay binalikan sila sa daan kung saan dito na napag-alaman na nahulog sa bangin ang sasakyan ng mga biktima batay na rin sa mga nakitang bakas sa gilid ng daan.

Sa ngayon, nasa site pa rin ang sasakyan ng mga biktima dahil hirap din ang mga rescuers na iakyat ito mula sa Chico river.

Ayon pa sa pulisya, may mga nauna ng naitalang kaparehong insidente sa lugar kaya pinapaalalahanan ang mga byahero na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na at napakadelikado ng daan sa naturang lugar.

Facebook Comments