Pinag-iingat ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang mga Pilipino sa Taiwan na inaalok ng trabaho patungong Europe.
Ayon kay Labor Attache’ Atty. Cesar Chavez Jr., karaniwang nahihikayat ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Taiwan na lumipat ng Europe dahil sa pangakong mabilis silang makakapasok sa mas magandang bansa tulad ng Italy at France.
Sinabi ni Chavez na dapat maging maingat ang OFWs sa magagandang pangako ng illegal recruiters lalo na ang mga nanghihingi ng P300,000 na processing fee.
Aniya, kung talagang legal na recruiters ang mga ito ay dapat sa Pilipinas sila nagre-recruit.
Dapat aniyang magduda ang mga Pinoy sa Taiwan kung bakit doon mismo sila nililigawan ng recruiters.
Ito ay dahil wala aniyang makakahuli sa kanila sa Taiwan dahil walang presensya doon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Ang mga Pinoy workers din aniya sa Taiwan ang target ng illegal recruiters dahil may mga pera ang mga ito.
Nilinaw rin ni Chavez na kung tutuusin ay mas malaki ang kita ng OFWs sa Taiwan kumpara sa Europe kaya’t hindi dapat magpadalus-dalos ng desisyon ang OFWs doon.