Cauayan City, Isabela- Pinasalamatan ng pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang presensya ng mga media sa Isabela.
Sa isinagawang Change of Chief Office Ceremony sa O’Club, Camp Melchor F. Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela ngayong araw, Disyembre 9, 2021, unang nagpasalamat si MGen. Laurence Mina, Commanding General ng 5ID sa mga mamamahayag sa Lalawigan dahil sa pakikipagtulungan sa kasundaluhan para maipalaganap ang tunay na ginagawa at mga nagampanan ng militar sa komunidad.
Isa na rito ang patuloy na pagsuporta ng mga media sa mga impormasyon at panawagan na maiparating sa mga mamamayan lalo na sa mga nilalang Communist Terrorist Group (CTG).
Umaasa ang Heneral na magpapatuloy ang buong suporta ng mga media sa adhikain ng pamahalaan na mawakasan ang insurhensiya sa bansa.
Samantala, pormal nang pinalitan ni Captain Rigor Pamittan, dating Platoon Leader at Company Commander Billet ng 8th Infantry Division si outgoing Major Jekyll Dulawan bilang bagong pinuno ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division.
Binigyang halaga at lubos namang nagpapasalamat si Maj. Dulawan sa mga media na naging katuwang ng kasundaluhan sa pagpapakalat sa layunin ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).
Itatalaga sa Headquarters ng Philippine Army si outgoing Maj. Dulawan na nagsilbi ng mahigit isang (1) taon bilang DPAO Chief ng 5ID.