Maghahain ng panukalang batas ang ACTS-CIS partylist na naglalayong makapagtatag ng isang komisyon na titiyak sa kapananan ng mga manggagawa sa Media.
Sa isang pulong balitaan sa QC, lumagda ng kasunduan ang ACTS-CIS partylist at ang Presidential Task Force on Media Security para sa pagtutulungan sa pagbibigay hugis sa Media Workers Welfare bill.
Ayon kay ACT-CIS partylist Representative Niña Taduran, kung sakaling maging ganap na batas, uuriin ang mga media workers batay sa kanilang spefic duties at skills o kakayahan at tatapatan ng mas mataas na sahod at kapakinabangan.
Hihikayatin ang mga media owners na pataasin ang kalidad ng kakayahan ng mga media workers sa pamamagitan ng trainings, pagkakaloob ng awards, cash incentives at scholarship grants
Plano ng partylist group na bigyan ng rebate o insentibo sa buwis ang mga Media entity upang mahikayat ang mga ito na ipatupad ang mas mataas na salary at incentive package sa kanilang mga manggagawa.
Kapag naitatag na ang isang independent commission, bubuwagin na ang Presidential Task Force on Media Security at maililipat na dito ang kapangyarihan sa pagprotekta sa mga media workers laban sa anumang atake sa malayang pamamahayag.
Magkakaroon din ng welfare fund upang bigyan ng tulong pinansyal ang mga media workers na nawalan ng trabaho.
Gayunman, kinakailangan na ang mga media workers ay pumasa sa standards at rehistrado talaga bilang lehitimong mamamahayag.