Media Workers Welfare Act, lusot na sa komite ng Kamara

Iaakyat na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 2476 o ang Enhanced Protection, Security and Benefits for Media Workers Act.

Ito ay matapos makalusot sa Committee on Labor and Employment ang panukala na layong palakasin ang fourth estate ng bansa at tiyakin na naibibigay ng mga media companies and networks ang tamang kompensasyon at benepisyo sa mga media workers.

Kasama sa mga benepisyo ng panukala ni ACT-CIS Partylist Rep. Nina Taduran ang tamang sahod, security of tenure, hazard at overtime pay, insurance at iba pang benepisyo para sa mga media practitioners.


Sa ilalim nito, ang mga miyembro ng media na aatasan na mag-cover sa dangerous at hazardous events o situations ay bibigyan ng karagdagang ₱500 arawang sahod.

Magkakaroon din ng ₱200,000 death and disability benefits ang apektadong mamamahayag.

Bibigyan din ng mga protective equipment ang mga media workers tulad ng bullet proof vests at helmets gayundin ang medical grade personal protective equipment sa tuwing magko-cover sa mga hazardous areas.

Bubuo rin ng Media Tripartite Council na siyang titiyak na nasusunod ang pagbibigay proteksyon sa mga taga-media.

Facebook Comments