Binuksan ng Bureau of Customs-Port of NAIA ang sarili nitong medical clinic para suportahan at ipatupad ang COVID-19 health protocols gayundin ang pagtugon sa pangangailangan ng mga tauhan ng Customs NAIA lalo na ang frontliners.
Ang pagtatayo ng medical clinic ay bilang tulong sa pagsisikap ng mga empleyado ng NAIA partikular sa kanilang serbisyo at sa walang tigil na operasyon sa kabila ng banta ng COVID-19.
Nabatid na bago pa magkaroon ng virus sa bansa ay 24/7 na ang trabaho ng mga tauhan nito na nakatalaga sa tatlong international airport terminals, isang domestic terminal at pitong warehouses.
Sinabi naman ni District Collector Carmelita Talusan na ang paglalagay ng clinic ay bahagi ng programa ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero para sa stakeholder engagement at pagpapabuti sa kapakanan ng mga personnel.
Naglunsad naman ng assistance hotlines ang ahensya para agad na masagot sa loob ng 24-oras ang concerns na may kinalaman sa air cargo at customs clearance.