Wala pang pangangailangan na humingi ng “time out” ang mga medical frontliner sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng na-a-admit ngayon sa ospital dahil sa COVID-19.
Ayon kay UP-Philippine General Hospital Spokesperson Dr. Jonas Del Rosario, ngayon pa lang naman bumugso muli ang COVID-19 admissions sa ospital pero depende pa rin aniya ito sa magiging trend.
“Sana po wag na tayong umabot dun, kasi ang ibig sabihin lang po non, kapag humingi na ulit ng time out ang mga doktor, nurses ay overwhelmed na naman po an gating system,” saad ni del Rosario.
Nabatid na mula sa average 70 hanggang 80 na pasyente sa mga nakalipas na buwan, umabot muli sa higit 100 ang mga na-admit sa PGH ngayong Marso.
Bukod dito, may 25 pasyente pang nasa waitiling list para sa admissions.
Isa sa hinihinalang dahilan ng pagtaas muli ng mga kaso ay ang pagtama ng UK at South African variants sa mga tao.
Katunayan, nakapagtala na rin ng isang kaso ng South African variant sa PGH.
Nakahanda namang magpasaklolo sa mga private hospital ang PGH sakaling mapuno muli sila ng mga pasyenteng may COVID-19.
“Just in case talagang mapuno na kami ay kailangan din naming ilipat o i-direct na yung ibang mga pasyente sa ibang mga ospital na tumatanggap din naman ng mga COVID patients.”