*Cauayan City, Isabela- *Matagumpay at payapa ang katatapos na Medical Mission ng iFM Cauayan bilang bahagi ng animnapu’t pitong taong anibersaryo ng Radio Mindanao Network Foundation Inc.,na isinagawa kahapon sa Brgy. District 3. Cauayan City, Isabela.
Isinagawa ang libreng medical check-up na hatid ng ilang doktor mula sa pribado at pampublikong ospital, free dental check-up, bunot sa ngipin at libreng gupit na hatid naman ng 5th Infantry Division ng Philippine Army.
Nagkaroon din ng libreng Blood Typing sa tulong ng Philippine Red Cross Isabela Chapter.
Sa libreng medical check-up ay mayroong kabuuang 355 katao ang nasuri at nabigyan ng libreng gamot, 184 sa blood typing, 58 sa gupit habang nasa 29 katao naman sa dental.
Ayon sa naging mensahe ni Ginoong Christopher Estolas, Station Manager ng iFM Cauayan, ang pagtulong sa komunidad ay isang magandang halimbawa na patuloy kang maaalala ng tao.
Bakas naman sa mukha ang saya ng mga dumalo sa nasabing aktibidad.
Lubos naman ang pasasalamat ng 98.5 iFM Cauayan Team sa lahat ng mga ahensya at taong tumulong upang maisakatuparan ng maayos at payapa ang nasabing aktibidad.