Medical Officer ng Henry Abraham Command, Huli sa Tondo, Manila

Cauayan City, Isabela- Naaresto sa Tondo, Manila ang medical officer ng New People’s Army sa ilalim ng Henry Abraham Command, East Front.

Kilala ito sa alyas na “Ka May May”,39-anyos, walang asawa at tubong Gonzaga, Cagayan.

Nagsilbi itong Platoon Medical Officer ng New People’s Army at kasama rin sa listahan bilang 49 PSRTG at Top 10 Most Wanted Person Provincial Level.


Ang akusado ay inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Regional Special Operations Group (RSOG) 2 at Provincial Intelligence Unit, Cagayan PPO matapos ipalabas ni hukom Francisco Donato, Executive Judge ng RTC Branch 33 Ballesteros, Cagayan ang Warrant of Arrest sa kasong RA 9518 o International Humanitarian Law at walang inirekomendang piyansa para sana sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Nabatid umano na nahikayat si “May may” na maisama sa Renato Busante Group na hindi bababa sa 40 ang armadong tauhan noong 1999 na nakabase sa Quirino at Isabela Province kung saan naranasan umano nito ang engkwentro sa pagitan ng gobyerno taong 2001.

Dagdag pa rito, noong July 23, 2001 nang mailipat ito sa Cagayan Province at sumama sa grupo ng nagngangalang Lolita Rasa kasama ang pitong (7) armadong miyembro hanggang sa makalaban ang tropa ng gobyerno at kalauna’y nasampahan ng kasong Rebellion.

Ibinahagi rin umano ni “May may” na may isang (1) caliber 9mm pistol ang matagal nang nakabaon sa hukay sa isang bahay sa Brgy. San Jose, Baggao, Cagayan na kanya namang ipinasakamay sa mga otoridad.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng PNP Gonzaga ang akusado habang inihahanda ang susunod na hakbang laban sa kanya.

Facebook Comments