Medical reserve force ng PNP ipapakalat sa bakunahan kontra COVID-19 ng mga menor de edad

Siniguro ni Philippine National Police Chief Police General Guillermo Eleazar, na handa sila para tulungan ang pamahalaan sa vaccination program nito para sa mga menor de edad sa buong bansa na magsisimula sa susunod na linggo.

Ayon kay PNP chief, naka-stand by at ready for deployment na ang kanilang medical reserve force para sa gagawing bakunahan.

Bukod dito, handa na rin anya ang mga kagamitan ng PNP sa pag-alalay sa programang pagbabakuna sa anumang kapasidad kabilang na ang pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa mga bakuna kontra COVID-19.


Una nang sinabi ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na target ng gobyerno na tapusin ang pagbabakuna sa mga menor de edad sa buwan ng Disyembre ng taong ito.

Matatandaang nagamit na rin ang medical reserve force ng PNP sa bakunahan sa ibang LGU na humingi ng tulong dahil sa dami ng mga kailangang mabakunahan.

Facebook Comments