Medik na Galamay ng NPA, Sumuko sa 86th IB

*Cauayan City, Isabela- *Kusang sumuko sa tropa ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion, Philippine Army ang isang dating medik at regular na kasapi ng New People’s Army (NPA).

Kinilala ito na si alyas “Nika” na residente ng Maddela, Quirino at isang lie-low na dating kasapi ng Rehiyon Sentro De Grabidad (RSDG) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Sumampa sa kilusan si alyas Nika matapos siyang mahikayat ng mga miyembro ng RSDG noong Oktubre taong 2017.


Habang nasa loob ng kilusan si Nika ay nagsilbi itong medik sa kanilang grupo na nag-ooperate sa bayan ng Echague at Jones, Isabela.

Makalipas ang ilang buwang pagsama sa kilusan ay naisipan nitong kumalas dahil na rin sa hirap at nasaksihang katiwalian sa loob mismo ng kilusan.

Kasabay ng pagsuko ni Nika ay itinuro nito ang kanilang imbakan ng mga pampasabog sa liblib na lugar sa bayan ng Maddela, Quirino.

Matagumpay namang narekober sa lugar ang apat (4) na Improvised Explosive Device o IED.

Ikinatuwa at nagpapasalamat naman si LTC Ali Alejo, Commanding Officer ng 86 th IB sa ginawang pagbabalik loob ni alyas Nika at pagtuturo nito sa kinaroroonan ng mga pampasabog na posibleng makapagdulot ng trahedya kung sakaling maibalik ito sa kamay ng mga teroristang grupo.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga ng 86th IB ang dating medik ng NPA para sa kaukulang disposisyon at pag proseso ng kanyang makukuhang tulong sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno.

Facebook Comments