Inabot ng mahigit na anim na oras ang diskusyon ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kaugnay ng pagtataas ng ridership sa mga pampublikong sasakyan sa pamamagitan ng pagbabawas ng physical distance sa mga commuters.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, naging matindi ang palitan ng opinyon ng mga miyembro ng IATF at mga eksperto.
Present sa naging pulong ang mga eksperto na pabor at hindi pabor na bawasan ang espasyo o distansya ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan kung saan lahat ng naging pahayag ng mga doktor at ng ibang panig ay pinakinggan sa naturang IATF meeting.
Una nang sinabi ni Roque na ngayong araw, inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang desisyon hinggil dito.
Ang nasabing panuntunan ay matatandaang inulan ng batikos lalo na ng mga health professional dahil mas magiging mabilis ang transmission ng COVID-19 kapag pinaglapit-lapit ang mga pasahero.