Mega job fair ng PESO Manila katuwang ang DZXL Radyo Trabaho, all set na ngayong araw

Courtesy: Public Employment Service Office - City of Manila

Handa na ang na lokal na pamahalaan ng Maynila sa pangunguna ng Public Employment Service Office (PESO) sa isasagawang Mega Job Fair ngayong araw katuwang ang DZXL Radyo Trabaho.

Nasa 60 pribadong kompanya ang inimbitahan kung saan ay pinarami pa ang iaalok na trabaho sa gagawing mega job fair.

Sa abiso ng PESO Manila, aabot sa 12,000 job vacancies ang maaaring aplayan ng mga naghahanap ng trabaho.


Bukas ang naturang mega job fair para sa high school graduates, college level, college at tech/voc graduates.

Sisimulan naman ito ng alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng tanghali na gaganapin sa Universidad de Manila Covered Court malapit sa City Hall at LRT-1 Central Terminal sa Cecilia Muñoz St., Ermita, Manila.

Payo ng PESO Manila sa aplikante na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 kopya ng resume o higit pa, magdala ng sariling ballpen at sumunod sa mga pinaiiral na public health protocols.

Ang mga maha-hire on the spot naman ay hindi na rin poproblemahin pa ang pagkuha ng requirements dahil makikibahagi dito ang SSS, NBI, BIR, Philhealth, Pag-Ibig at Manila Police District (MPD) para sa mga kukuha ng police clearance.

Facebook Comments