Mega Market pansamantalang ipapasara sa publiko

Pinulong kahapon ni City Administrator Dr. Danda Juanday kasama ang City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Engineering Office at City Public Safety Office ang mga vendor sa cCity Mega Market.

Sa panayam ng DXMY kay Market Administrator Sam Mundas, pakay ng pulong na maipaunawa ng mga nabanggit na tanggapan sa mga vendor sa mega market ang dahilan kung bakit kinakailangan munang isara ang main building ng palengke.

Sinabi ni Mundas na batid naman ng lahat na nasunog ang gusali noong May 2018 kung saan nagtamo ito ng mga kapinsalaan na sinundan pa ng mga pagyanig kaya lalong nadagdagan pa ang damages nito.


Kaya naman inirekomenda na isasara na muna ang main building ng mega market upang masiguro ang kaligtasa ng mga mamimili at ng mga vendor mismo.

Sinabi pa ni Market Administrator Sam Mundas na may “resistance” sa panig ng mga vendor sa city Mega market.Nag-aatubili anya ang mga ito na lisanin ang kanilang pwesto.

Subalit umaasa si Mundas na tatalima din ang mga ito sa kautusan ng lokal na pamahalaan na bakantehin na nila ang main building.

Ito naman ay para rin sa kapakanan at kaligtasan nila at ng mga market goers.
Ayon pa kay Mundas, ayaw ng lokal na pamahalaan na mayroon pang madidisgrasya bago pa umaksyon.

Sinasabing abot sa 1, 542 ang stall sa mega market building. Ang 196 na uka-ukay stalls sa 2nd floor ay nauna nang nailipat. Ang sa ground floor naman ay 800 hanggang 900 stalls.

Mamayang hapon ay magpupulong ang local market committe kasama ang mga kinatawan ng vendors upang pag-usapan naman kung saan sila ililipat.

Mainam anya na marinig din mula sa vendors kung saan nila gustong malipat upang matalakay kung ito ba ay posible.

Sa kanilang panig, sinabi ni Mundas na mayroon na silang napiling lugar na paglilipat sa mga vendor ngunit hindi ito ganon kadali dahil may mga requirment para dito.
FB Pic

Facebook Comments