Mega Task Force laban sa kurapsyon, walang sasantuhin kahit pa malapit sa Pangulong Duterte; Report sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, target mailabas sa susunod na dalawang buwan

Dalawang buwan simula ngayon, inaasahang may makakasuhan nang mga tiwaling opisyal ng gobyerno ang bagong buong “Mega Task Force” laban sa kurapsyon.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Deputy Spokesperson Asec. Neal Vincent Bainto na target ng Mega Task Force na maglabas ng report at magsampa ng kaso sa Ombudsman sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan simula ngayon.

Pagtitiyak ni Bainto, walang sasantuhing tiwaling opisyal ang Mega Task Force, kahit pa ito ay malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte.


Nabatid na unang iimbestigahan ng task force ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinita ng Commission on Audit (COA) sa multi-bilyong pondo na napunta umano sa korapsyon dahil sa hindi naisagawang mga proyekto noong 2019; ang PhilHealth na lumustay umano ng multi-bilyong halaga ng kontribusyon ng mga miyembro; ang Bureau of Customs (BOC); Bureau of Internal Revenue (BIR) at ang Land Registration Authority (LRA).

Facebook Comments