Cauayan City, Isabela- Tuluyang dinakip ng mga alagad ng batas ang isang mekaniko matapos ireklamo dahil sa pagbebenta ng motorsiklo na pagmamay-ari ng kanyang kustomer sa Lalawigan ng Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nagtungo sa himpilan ng PNP Solana ang biktima na may-ari ng motorsiklong Honda Beat na si Warlito Tuazon ng Tuguegarao City kasama ang mag-asawang nakabili ng motorsiklo na sina Doroteo Encarnacion Jr, at Lenny Encarnacion, ng Barangay Agugaddan, Peñablanca, Cagayan upang ireport ang naturang insidente.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, Pebrero 04, 2020 nang dalhin ng biktima ang motorsiklo nito sa shop upang ipaayos kay Jaylord Lagundi na taga Barangay Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan.
Makalipas ang ilang araw, bumalik ang biktima sa shop partikular sa parkinglot ng bus na sa brgy. Balzain subalit nagulat na lamang ito dahil wala na ang kanyang motorsiklo at hindi na rin mahanap ang suspek.
Nang malaman ng biktima ang kinaroroonan ng suspek ay agad itong humingi ng tulong sa pulisya upang mabawi nito ang kanyang motorsiklo.
Nabatid na ibinenta ng suspek sa mag-asawa ang motorsiklo ng biktima sa halagang Php35,000.00 na kung saan ay nagbigay muna ng paunang bayad na Php25,000.00 ang mag-asawa.
Boluntaryo namang isinuko ng mag-asawa sa pulisya ang naturang motorsiklo at inaasikaso na rin ng kapulisan para maibalik sa biktima.
Kasong Carnapping ang inihahanda ngayon ng pulisya na isasampa laban sa suspek.