Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa Bureau of Internal Revenue o BIR na bawiin, i-review at baguhin ang inilabas nitong Revenue Memorandum Circular 60-2020 na nagpapataw ng buwis sa mga online sellers at nag-uutos sa mga ito na magparehistro.
Hiniling ni Hontiveros sa BIR na i-urong muna ito habang tayo ay nasa panahon ng matinding krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Apela ito ni Hontiveros sa BIR makaraang ihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi saklaw ng nabanggit na memo ang maliliit na online sellers o mga taunang kumikita ng P250,000 at mas mababa pa.
Diin ni Hontiveros, dapat maging malinaw sa BIR circular ang mga exemptions para sa mga small online sellers upang hindi na sila gumastos pa sa pagpaparehistro.
Facebook Comments