Muling kinalampag ng ilang transport group ang pamahalaan na suspindihin muna ang fuel excise tax.
Kasunod ito ng ikinasang bigtime oil price hike ng mga kompanya ng langis kahapon.
Ayon kay PISTON President Mody Floranda, hirap na nga sa pamamasada dahil sa matinding traffic ay dagdag pasanin pa ang taas-presyo sa langis.
Sa interview naman ng RMN Manila, nilinaw ni Ricardo Rebaño, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines o FEJODAP na hindi sila humihirit ng dagdag-pasahe.
Sa halip, umapela ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na pag-aralan ang inilabas nitong Memorandum Circular No. 2019-035 hinggil sa automatic fare adjustment system.
Dagdag pa ni Rebaño, dapat na humanap ng win-win solution ang gobyerno upang hindi gaanong maramdaman ng mga tsuper ang epekto ng pagsipa ng presyo ng krudo.
Kahapon, nagpatupad ang mga oil company ng P2.90 taas-presyo sa kada litro ng diesel; P1.65 sentimos sa kerosene at P0.70 sa gasolina.