Memorandum na nagbabawal sa mga tricycle sa national highways, pinapabawi ng isang kongresista

Agad na pinapabawi ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda ang memorandum circular order ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nagbabawal sa mga tricycle na bumyahe sa national highways.

Naghain si Salceda ng resolusyon na kung saan pinapabasura nito ang memorandum ng DILG sa pag-ban sa mga tricycles sa national highways at pinapakilos ang House Committee on Transportation para magsagawa ng pagdinig para humanap ng iba pang alternatibo.

Giit ni Salceda, ang tricycle lamang din ang pangunahing livelihood source ng libu-libong pamilyang Pilipino.


Dahil dito, tinawag din ng kongresista na pro-rich at anti-poor ang memorandum ng DILG dahil hindi ito napag-aralang mabuti at hindi ikinunsidera ang socioeconomic status ng mga mahihirap na Pilipino na madalas sumasakay ng tricycle.

Tinukoy pa ng mambabatas na P1.2 Billion ang ibinabayad sa road users tax ng 4.5 million tricycle drivers sa bansa habang P52 Billion na excise tax at VAT kada taon din ang nakokolekta sa mga ito sa produktong petrolyo na siyang bahagi din ng nalilikom na P650 Billion na pondo ng DPWH.

Iginiit pa ng kongresista na batay sa 2017 World Health Organization (WHO) Philippines at Land Transportation Office (LTO) data, hindi hamak na mas mataas ang insidente ng mga nasa sasakyan na nasa 0.282% kumpara sa tricycles at motorcycles na nasa 0.085%.

Facebook Comments