
Naglabas ng memorandum ang Philippine National Police–Supervisory Office for Security and Investigation Agencies o PNP-SOSIA upang maiwasan ang workplace bullying matapos ang insidente ng pagkasawi ng dalawang security guard sa Quezon City.
Matatandaang isa sa mga motibong sinisilip sa pamamaril na ginawa ng kapwa nila gwardiya ay ang umano’y pambubully sa lugar ng trabaho.
Ang memorandum ay ipinatutupad para sa mga private security providers at private security professionals, na inaatasang sumunod sa Security Professionals Creed, Ethical Standards, at Code of Conduct na may kinalaman sa pagpigil sa workplace bullying.
Inatasan ni PNP-SOSIA Acting Chief PBGen. Jeffrey Decena ang lahat ng Private Security Personnel (PSP) na mahigpit na sumunod sa Republic Act 11917 o ang Private Security Services Industry Act.
Nakasaad sa memorandum ang tungkulin ng isang security professional na protektahan ang buhay at interes ng employer o kliyente, panatilihin ang kaayusan sa lugar ng pinagtatrabahuhan, at isabuhay ang katapatan sa gawa, salita, at pag-iisip.
Layon ng kautusan na maiwasan ang pambubully sa loob ng lugar ng trabaho na maaaring humantong sa karahasan.
Samantala, pinaalalahanan din ang mga security agency na mahigpit na bantayan ang kanilang hanay upang masiguro ang pagsunod sa nasabing patakaran.
Kaugnay nito, ang sinumang mapatunayang lumabag ay maaaring masuspinde o tuluyang matanggalan ng lisensya.










