Memorandum para sa pagpapalawig ng COVID-19 state of calamity sa bansa, isinumite na ng DOH sa pangulo

Nagsumite na ng Memorandum of Request (MOR) ang Department of Health (DOH) sa Office of the President (OP) hinggil sa pagpapalawig ng COVID-19 state of calamity sa bansa.

Matatandaang epektibo lamang ang state of calamity sa bansa hanggang December 31, 2022, matapos palawigin ni Pangulong Bongbong Marcos ang deklarasyon nito mula sa naunang deklarasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nag-lapse noong September 12, 2022.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, hiniling nila ang extention nito sa konsiderasyong hindi naisabatas sa tamang oras ang Center for Disease Prevention and Control o CDC Bill.


Nagkaroon aniya ng pagpupulong ang ahensya noong December 23, sa Office of the Presidential Management Staff kasama ang iba pang government agency gayundin ang Inter-Agency Task Force (IATF) para ipaliwanag kung bakit inaapela nila ang pagpapalawig ng state of calamity.

Dito ipinaliwanag aniya ng DOH na ang COVID-19 response ng ahensya ay nakaangkla sa state of calamity, tulad ng vaccination program, emergency use authorization ng mga bakuna at gamot, indemnification and immunity from liability, at emergency hiring at emergency allowance ng mga health care worker.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng DOH ang opisyal na tugon ng OP sa memorandum na kanilang isinumite.

Facebook Comments