Memorandum tungkol sa panggugulo ng Maute group sa Manila, hindi kapani-paniwala para sa isang kongresista

Manila, Philippines – Kumbinsido si House Committee Senior Vice Chairman on Defense and Security Ruffy Biazon na unreliable o hindi mapagkakatiwalaan ang impormasyon tungkol sa nag-leak na memorandum mula sa Philippine National Police.

Nakasaad sa memo na nagmula sa Valenzuela City Police na planong bombahin ng Maute group ang ilang lugar sa Metro Manila.

Naniniwala si Biazon na posibleng nagpakalat lamang ng misinformation o propaganda ang source ng naturang memo para magdulot ng kalituhan at takot sa publiko.


Dahil dito, hinikayat ni Biazon ang publiko na itigil ang pagpapakalat ng naturang memo dahil dadagdag pa aniya ito sa problema ng PNP.

Nanawagan rin si Biazon sa mamamayan na magtiwala lamang sa opisyal na impormasyon mula sa government sources at mga lehitimong news organizations.

Giit pa ng kongresista, makabubuting maging alerto ang taumbayan sa paligid may memo man o wala at dapat mas paigtingin ng law enforcers ang intelligence gathering upang mapigilan ang banta ng terorismo.

Facebook Comments