Memory card na napulot sa daan, may lamang mga bidyo ng pagpatay sa 1 babae

Isang memory card na napulot sa kalsada sa Anchorage, Alaska ang nakitaan ng mga bidyo at litrato ng pagpatay sa isang babae, ayon sa dokumento ng kaso na inilabas noong Miyerkules.

Pinaniniwalaan ng awtoridad na ang hindi pa nakikilalang bangkay na natagpuan kamakailan lang sa highway ay sa babae sa mga bidyo.

Inaresto sa kasong pagpatay ang 48-anyos na si Brian Steven Smith mula South Africa noong Martes sa airport at pinaharap sa korte noong Miyerkules.


Natukoy ng mga imbestigador si Smith sa mga bidyo dahil sangkot din umano ito sa iba pang gumugulong na imbestigasyon, ayon kay MJ Thim, tagapagsalita ng Anchorage Police Department.

Brian Steven Smith photo by Anchorage Daily News

Naglalaman ng 39 litrato at 12 bidyo ang memory card na may label na “Homicide at midtown Marriott” na nadiskubre at itinawag sa pulisya ng isang hindi pinangalanang babae noong Setyembre 30.

Makikita sa mga litrato ang hubad na babae na binubugbog sa sahig ng isang kwarto sa hotel, at mayroon ding nakabalot ng kumot ang biktima sa luggage cart, ayon sa dokumento.

Sa bidyo naman, makikitang sinasakal ang babae habang maririnig ang boses ng lalaki na nagsasabing “just die”.

Ayon kay Thim, pinaniniwalaang si Smith mismo ang kumuha ng mga pangyayari na hinihinalang isinagawa noong Setyembre.

Tumugma rin ang ilan pang detalye sa pagkakakilanlan ni Smith gaya ng punto ng pananalita, at rehistro sa isang hotel na may carpet na kapareho ng nasa bidyo.

Facebook Comments