Binanatan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang ilan sa mga netizens na hindi nakaunawa sa kaniyang Twitter post.
Matatandaang inulan ng batikos ang kalihim kasunod ng komento niya sa isang balita kung saan iniulat ng medical community na hindi nananalo ang bansa sa laban nito sa COVID-19.
Nakasaad sa kaniyang tweet na “men in white talk a lot” habang binigyan niya ng credit ang “men in olive” sa paglaban sa pandemya kung saan tinutukoy ang kulay ng military uniform.
Sa kaniyang tweet, sinabi ni Locsin na maraming ‘talunan’ ang naghihintay na i-screenshot ang bawat post niya para baligtarin ang kahulugan o ibig sabihin nito.
Sinisisi ni Locsin ang netizens na na-misread ang kaniyang post.
Iginiit ng kalihim na kung babasahin ang lahat ng kaniyang post, palagi niyang sinusportahan ang mga frontliner.
Ang tinutukoy niyang “men-in-white” ay ang mga tila “alam ang lahat” at palaging nangunguna sa pagtatalak, at hindi ang mga medical frontliner na patuloy na sumasagip ng buhay.