Menor De Edad na Magnanakaw, Huli sa Marijuana!

Aurora, Isabela – Arestado ang isang menor de edad na vendor ng cotton candy at popcorn matapos magnakaw at makunan ng ipinagbabawal na gamot pasado alas dose kahapon, April 28, 2018 sa barangay Santa Rosa, Aurora, Isabela.

Batay sa impormasyong natanggap ng RMN Cauayan, ang suspek na itinago sa pangalang “Makmak”, disi sais anyos at residente ng Mabini, Santiago City ay nasapul ng CCTV na nagnanakaw sa isang tindahan na pagmamay-ari ng biktimang si Gilbert Saguio ng San Pablo, Aurora, Isabela.

Nadakip ng PNP Aurora ang suspek matapos itong makita sa isang gilid ng paaralan at dito narekober ang kanyang mga tinangay na gadgets gaya ng iPad na nagkakahalaga ng dalawampu’t limang libong piso at isang unit ng cellphone na nagkakahalaga ng tatlong libo at limang daang piso.


Samantala, narekober pa sa pag-iingat ng suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng mga tuyong dahon na pinaghihinalaang Marijuana.

Agad na dinakip ang suspek at dinala sa himpilan ng PNP Aurora para sa kanyang kaukulang kaso, dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments