Menor de edad, nagka ‘amnesia’ matapos masipa sa ulo

Monmouth, Illinois – Isang menor de edad ang nawalan ng memorya at naniniwalang ‘June 11’ araw-araw dahil sa tinamong traumatic head injury matapos masipa sa ulo sa kanilang dance class.

Photo: Riley Horner Facebook

Kinilala ang dalaga na si Riley Horner, 16-anyos, isang cheerleader, at aksidenteng nasipa sa ulo ng isang estudyanteng nag ‘crowd surfing’ umano sa kanilang sayaw.


Agad na isinugod sa ospital ang dalaga at mailang ulit ring nagpabalik-balik at ayon kay Sarah Horner, ina ni Riley, wala raw umanong nakitang mali sa anak.

Wala raw makitang problema ang mga doktor gaya ng pagdurugo ng ulo, o kahit tumor, matapos itong sumailalim sa MRI at CT Scan.

Nang makapanayam ang dalaga, inamin nitong gumigising siya na iniisip niyang June 11 araw-araw kahit ilang buwan na ang nakalipas matapos ang naturang insidente.

Magugulat na lamang raw sya dahil makikita niya sa kanilang kalendaryo na buwan na pala ng Setyembre.

Maraming beses din nakaranas ng sumpong ang dalaga kaya napapadalas ang pagbisita nito sa doktor.

Samantala, inihayag rin ni Riley na wala siyang maalala na kahit anong nangyari sa kasaysayan ng kanyang pamilya.

Dagdag pa ng kaniyang ina, maging ang pagkamatay ng kanyang kapatid na araw-araw umano nila ibinabalita sa dalaga ay hindi raw nito matandaan.

Sa kagustuhan namang matulungan ang sarili, parating nagdadala ng kwaderno at lapis ang dalaga upang mailista nito ang kanyang mga ginagawa at makapag-alarm kada dalawang oras para raw maalala niya ang mga nakakalimutan sa araw na iyon.

Parati rin daw kumukuha ng litrato ang dalaga sa kanyang cellphone.

Kaugnay nito, sa isang post na ibinahagi ng ina ng dalaga, sinabi nitong nananatiling walang memorya ang anak, nagsasalitang parang robot, at patuloy pa ring dinadalaw ng sakit ng ulo.

Hindi rin matanggap ng pamilya ni Riley ang giit ng doktor na maaaring wala nang kagalingan ang nangyari sa anak.

Pahayag naman ni Riley, “I know it’s hard for them as much as it’s hard for me. And people just don’t understand. It’s like a movie.”

Nagbigay naman ng mensahe ang dalaga para sa mga taong nakakaranas ng parehong sitwasyon, ipinarating nitong hndi sila nag-iisa.

Sa pamamagitan naman ng facebook page na ginawa ng ina ni Riley, na ‘Help Riley Remember’ patuloy ang paghingi ng suporta ng pamilya ni Riley para matulungan ang dalaga sa kanyang sitwasyon.

Sa post ng kanyang ina kamakailan lang, sinagot nito ang ilang katanungan tungkol sa kalagayan ng anak at sinabing nangangailangan ang kanilang pamilya ng isang Hyperbaric Oxygen Chamber na makakatulong kay Riley.

Facebook Comments