Tuguegarao City, Cagayan – Huwag mawalan ng pag-asa dahil hindi diyan nagtatapos ang inyong mga pangarap.
Ito ang mensahe ni Senador Manny Pacquiao sa mga atleta sa CaVRAA 2018 sa pagbubukas ng pangrehiyonal na palaro sa ginanap na opening ceremony kaninang hapon ng Pebrero 23, 2018 sa Arranz Sports Complex sa Lungsod ng Tuguegarao.
Si Senador Manny Pacquiao ang pangunahing bisita sa CaVRAA 2018.
Sa kanyang pananalita ay emosyonal niyang ikinuwento ang ibat ibang uri ng hirap na kanyang dinanas sa buhay.
Isa dito ang naranasan niyang pagtulog sa kalye at ang kanyang karanasan na kawalan ng pagkain sa loob ng isang araw.
Ganunpaman ay kanyang sinabi na gaano man kahirap ang kanyang pinagdaanan ay hindi siya sumuko para sa tagumpay.
Kanyang hinikayat ang mga atleta na kapag dumarating ang mga ito sa kabiguan ay huwag mag-isip ng negatibo kundi kailangang positibo para sa pagkamit ng pangarap.
Kanya pang ipinunto na hindi dapat gamitin ang kahirapan sa buhay dahil puwede pa ring umasenso ang pamilya sa tulong ng panginoon.
Pinunto rin ng kanyang talumpati ang importansiya ng tatlong bagay sa isang atleta na discipline, focus at resilience.
Ang CaVRAA 2018 ay nagsimula sa opening ceremony kaninang hapon, Pebrero 23, 2018 at magtatapos sa Marso 1, 2018.
Ang mga kalahok na magtatagisan sa ibat-ibang sports ay ang limang probinsiya ng Batanes Cagayan, Isabela, Nueva Viscaya at Quirino at apat na siyudad ng Cauayan, Ilagan, Santiago at Tuguegarao.