Inihain sa Senado ang pagkakaloob ng ‘menstruation leave’ para sa mga babaeng empleyado sa gobyerno at pribadong sektor.
Sa Senate Bill 1545 o Sanitary Leave Act na inihain ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., nakasaad na ‘scientifically proven’ na nakakaranas ang mga babae ng constipation, abdominal cramps, pananakit ng mga binti, at iba pang sakit sa tuwing mayroong buwanang dalaw.
Tinukoy pa na karaniwang nagtatagal ang premenstrual tension ng 10 hanggang 14 na araw bunsod ng pagtaas ng estrogen level ng mga babae.
Dahil wala pang batas na nagbibigay konsiderasyon o pahinga sa mga babaeng empleyado na nakakaranas nito, isinusulong ni Revilla na mabigyan ng isang araw na ‘menstruation leave’ kada buwan ang mga babaeng empleyado.
Pero, hindi kasama sa leave na ito ang mga babaeng buntis at mga menopause na.
Sa ilalim ng panukala, ‘with pay’ o 100% pa rin ang sweldo ng babaeng mag-a-avail ng ‘menstruation leave’.
Ang mga employers na hindi susunod ay pagmumultahin ng hanggang ₱100,000 at maaaring makulong ng isa hanggang anim na buwan.