Pinatututukan ni House Committee on People’s Participation Chairperson Florida “Rida” Robes ang mental health.
Nais maiprayoridad ng kongresista sa pamahalaan ang mental health ng mga Pilipino sa gitna na rin ng tumataas na bilang ng nakakaranas ng depression at insidente ng suicide na resulta ng COVID-19 pandemic.
Pinuna ng kongresista na 5% lamang sa kabuuang budget ng Deparment of Health (DOH) ang inilaan sa mental health.
Ito aniya ang dahilan kaya inihain niya ang House Bill 9980 na layong magtatag ng mental health clinic sa San Jose Del Monte City sa Bulacan, na magiging kauna-unahan sa bansa kapag naisabatas.
Umaasa naman si Robes na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso ay mapagtitibay na ang ilang panukalang batas na layong palakasin ang mental health services sa bansa.
Kabilang dito ang HB 10284 o Act Strengthening the Mental Health Services of State Universities and Colleges at HB 10327 na layong palakasin ang Mental Health Services sa pamamagitan ng pag-hire at deployment ng karagdagang mental health professionals.