Meralco Avenue sa Pasig City, sarado simula bukas dahil sa konstruksyon ng Metro Manila Subway

Simula bukas, October 3, sarado muna ang bahagi ng Meralco Avenue sa Pasig City.

Ito ay upang bigyang-daan ang konstruksyon ng Metro Manila Subway Project.

Sakop ng road closure ang harapang bahagi ng Capitol Commons hanggang sa kanto ng Shaw Boulevard na tatagal hanggang sa 2028.


Dahil dito, ilang establisyimento na sakop ng nasabing kalsada ang mapipilitang magsara.

Pinayuhan naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta:

 Para sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep na manggagaling sa Meralco Ave. papunta sa Shaw Blvd., maaaring dumaan sa Captain Henry Javier St. patungo sa Danny Floro St. at vice versa

 Para sa mga modernized jeepneys, pwedeng dumaan sa Dona Julia Vargas Ave. patungo sa San Miguel Avenue at vice versa

 Ang mga UV Express naman na manggagaling din sa Meralco Ave. patungong Shaw Blvd. ay pwede ring dumaan sa Dona Julia Vargas Ave. patungo sa San Miguel Avenue o Anda Road at vice versa

 At para sa mga pribadong sasakyan, lahat ng nabanggit na ruta at pwedeng daanan

Ang Metro Manila Subway ay ang kauna-unahang underground railway system sa bansa na may habang 36 na kilometro na tatakbo mula Mindanao Avenue sa Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay.

Aabot sa 370,000 na mga pasahero kada araw ang inaasahang maseserbisyuhan nito.

Nakatakda itong buksan sa 2025 habang inaasahang magiging fully operational ito sa 2027.

Facebook Comments