Magpapatupad ng mahigit 11 pisong bawas singil ang Manila Electric Company o Meralco ngayong buwan ng Abril.
Ayon sa MERALCO, bunsod ito ng pagbaba ng ipinapataw na generation charge nitong buwan ng Marso na dinagdagan pa ng ipinagpalibang pangongolekta ng generation cost na katumbas ng ₱0.20 kada kilowatt hour (kWh) ngayong buwan.
Dahil dito, mababawasan ng ₱24 ang monthly bill para sa isang household na kumokonsumo ng 200 kWh na kuryente para sa buwang ito.
Magugunitang pinakiusapan ng MERALCO ang mga supplier noong nakaraang buwan na ipagpaliban muna ang paniningil sa ilang bahagi ng generation costs at utay-utay ang gawing pangongolekta para hindi masyadong maging mabigat sa mga customer.
Bukod dito, may bawas singil din sa transmission charge, taxes at subsidy habang nananatiling suspendido ang koleksyon para sa Feed-In Tariff Allowance (FIT-All) hanggang Agosto 2023 sa bisa ng resolusyon ng Energy Regulatory Commission o ERC.
Samantala, pormal nang inendorso ng ERC sa Meralco noong ika-4 ng Abril ang opisyal na listahan ng mga benepisyaryo ng lifeline discount alinsunod sa Republic Act No. 11552 o inamiyendahang RA 9136 na mas kilala bilang EPIRA Law.