Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling ibalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan simula bukas, August 4, 2020.
Ito ay matapos dinggin ng Pangulo ang apelang “time out” ng mga healthcare worker sa gitna ng lumolobong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa kaniyang public address, iginiit ni Pangulong Duterte na hindi na niya kayang ilagay sa mahigpit na quarantine measures ang bansa dahil kinakapos na sa pondo ang pamahalaan.
Ipinaabot ng Pangulo ang kaniyang simpatya sa medical frontliners dahil sa hirap at pagod na kanilang ginugugol para malabanan ang pandemya.
Apela ng Pangulo sa mga health frontliners na huwag bumitaw sa laban dahil kailangan sila ng bansa.
Hindi na rin kailangang isigaw ng mga health worker sa publiko ang kanilang hinaing dahil maaari naman silang magpadala ng sulat o humingi ng panauhin sa Malacañang kung hiling nilang itaas ang community quarantine status sa Metro Manila.
Hinimok din ni Pangulong Duterte ang mga healthcare workers na huwag mawalan ng pag-asa at habaan pa ang pasensya sa paglaban sa pandemya.
Ang MECQ ay magtatagal ng 15 araw kung saan magtatapos ito sa August 18.
Nabatid na nagbabala ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na posibleng sumampa sa higit 150,000 ang kaso ng COVID-19 sa katapusan ng Agosto.
Sa huling datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 103,185 ang kabuoang kaso ng COVID-19 sa bansa na may 35,569 active cases.
Nasa 65,557 ang gumaling at 2,059 ang namatay.