Metro Manila Council, nais manatili ang alert level na ipinapatupad sa NCR

Nagpasa ng resolusyon ang Metro Manila Council (MMC) para palawigin pa ang Alert Level 2 sa National Capital Region (NCR) ng hanggang February 28, 2022.

Ito’y sa ilalim ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Resolution No. 22-04 Series of 2022 kung saan hinihimok ng MMC ang Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapalawig ng nasabing Alert Level System.

Pinagbasehan ng nasabing resolusyon ang nangyayaring pagbaba o downtrend ng Hospital Care Utilization Rate (HCUR) at COVID-19 Bed Utilization Rate sa National Capital Region (NCR) na kasalukuyang nasa 27% na lamang.


Bukod dito, 5 sa 17 Local Government Units (LGUs) ang kasalukuyang nasa Low Risk Classification habang ang iba ay nasa Moderate Risk Classification base sa growth rate at average daily attack rate.

Nakasaad din sa resolusyon na kaya pumayag ang lahat ng miyembro ng Metro Manila Council na manatili sa Alert Level 2 ay para malaman kung magkakaroon pa ng pagbabago sa risk classification ng 12 LGUs.

Hangad din ng konseho na magtuloy-tuloy ang pagbangon ng ekonomiya at pagsulong sa health care na kanilang napansin sa nakalipas na linggo sa ilalim ng Alert Level 2 kaya’t nais nila itong mapanatili.

Iginiit rin ng MMC na kung bababa ang Alert Level System sa NCR at magkakaroon ng pagluwag, may posibilidad na magkaroon ng super spreader event dahil sa nagsimula na amg campaign period ng mga national candidate sa 2022 national elections.

Facebook Comments