Tutol si House Minority Leader Benny Abante sa rekomendasyon ni Albay Representative Joey Salceda na i-lock down ang buong National Capital Region (NCR) para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Paliwanag ni Abante, hindi dapat ipatupad ang complete lockdown sa buong Metro Manila dahil ito ang sentro ng ekonomiya at pampulitika ng bansa.
Hindi aniya dapat maparalisa ang bansa habang gumagawa ng paraan para mabantayan ang kalusugan ng publiko.
Giit ni Abante, ang hakbang ng Pangulo na isailalim sa State of Public Health Emergency ay tama at sapat na para obligahin ang lahat na gawin ang mga kinakailangang pag-i-ingat.
Sa halip na lockdown ay iminungkahi ni Abante sa pamahalaan na ikunsidera ang pagpapaaga ng summer vacation ng mga estudyante.
Pinakukunsidera din ng kongresista sa gobyerno na aralin ang pagpapatupad ng work from home arrangements at paggamit ng skeletal staffing patterns para mabawasan ang person-to-person contact upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.