Metro Manila, hindi pa kailangang isailalim sa Alert Level 4 – Palasyo

Nilinaw ng Malakanyang na hindi pa kailangan isailalim sa Alert Level 4 ang Metro Manila kahit na tumaas pa ang kaso ng COVID-19.

Ayon kay Cabinet Secretary at acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ito ay dahil moderate pa sa ngayon ang total bed utilization sa mga ospital sa National Capital Region (NRC).

Aniya, tatlo ang ikinokonsidera sa pagtataas ng Alert Level.


Ito ay ang two-week growth rate ng COVID-19 cases, Average Daily Attack Rate (ADAR) at ang total healthcare utilization rate.

Paliwanag ni Nograles na bagama’t mataas pa sa ngayon ang ADAR at ang nadadagdag na kaso sa nakalipas na dalawang linggo ay hindi naman tumataas ang hospital bed utilization rate kung kaya’t kinakaya pa ng healthcare system ang sitwasyon at natatanggap ang mga kailangang ipasok sa ospital.

Samantala, tiniyak naman ng Palasyo na kung dadami pa ang bilang ng mga pasyente sa ospital ay hindi mag-aatubili ang gobyerno na itaas ang Alert Level 4 sa sa Metro Manila.

Facebook Comments