Nagkasundo ang lahat ng alkalde sa Metro Manila na maglabas ng listahan at resolusyon na maaaring pasyalan ng mga bata edad 5 taong gulang pataas.
Ito ay makaraang pahintulutan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga bata na makalabas na ng bahay matapos ang higit 1 taon bunsod pa rin ng COVID-19 pandemic.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Metro Manila Council Chairman Benhur Abalos na may gray area kasi sa inilabas na guidelines ng IATF hinggil sa parke.
Dahil kakaunti lamang ang parke sa Metro Manila tulad ng Luneta, sinabi ni Abalos na nagkasundo ang mga alkalde na ang parke ay nangangahulugang walang bubong, labas ng malls, al fresco at tuluy-tuloy ang hangin.
Ayon kay Abalos, nagtakda sila ng mga kondisyon para dito, kabilang ang hindi dapat lalagpas sa 50% ang kapasidad ng lugar para hindi ito maging super spreader event, may kasamang adult o nakatatanda ang mga bata at ang patuloy na pagsunod sa health protocols.
Kasunod nito, ilalabas ng mga lokal na pamahalaan at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang listahan ng mga parke at lugar na ppwedeng puntahan ng mga bata at ang mga kaakibat na guidelines para dito.