Metro Manila mayors, pinapayagan na ang paglabas ng bahay ng mga batang edad 18 taong gulang pababa

Naglabas ng resolusyon ang Metro Manila Council kung saan pinapayagan na ang paglabas ng bahay ng mga batang edad 18 taong gulang pababa.

Gayunman, kailangang may kasama silang magulang o adult guardian.

Nakasaad din sa resolusyon na ito ay para lamang sa essential travels o mahahalagang lakad.


Papayagan ding makalabas ang mga bata para sa pag-eehersisyo may comorbidity man ito o wala at kahit na hindi pa bakunado.

Nilinaw naman ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na hindi pa rin papayagan na makapasok sa mall at iba pang commercial establishments ang mga menor de edad kung wala itong mahalagang pakay.

Ito ay kahit may kasama silang magulang o guardian.

Sinabi pa ni Abalos na dapat maging mahigpit ang mga security guard sa mall o establishments sa pag-screen sa minors na papasok sa kanilang establisimiento.

Facebook Comments