Metro Manila Mayors, tutol na paluwagin ang community quarantine sa NCR

Hindi pa napapanahon na luwagan ang community quarantine sa National Capital Region (NCR).

Ito ang iginiit ng Metro Manila Mayors sa harap na rin ng panibagong banta ng mas nakakahawang COVID-19 UK variant.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro dapat munang mauna ang pagbabakuna bago luwagan ang quarantine restriction.


Aniya, hindi pwedeng puro espekulasyon lamang, sa halip ay nakabase dapat sa scientific data ang desisyon nilang luwagan ang quarantine status.

“Dapat mauna muna ‘tong vaccination e bago tayo makapagluwag dahil nakakatakot baka hindi kayanin ng ating healthcare system kung dadami uli yung kaso ng COVID,” ani Teodoro.

Maliban sa pagpapaluwag ng community quarantine, tutol din si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa pagpapaluwag ng age restriction para muling buhayin ang ekonomiya ng bansa.

Aniya, mahalagang mapakinggan muna nila ang sasabihin ng mga health at economic expert.

“Ano pong itinuturo natin sa bata kung papayagan natin siyang pumunta sa mall pero hindi naman siya pwedeng pumasok sa eskwelahan. So dapat consistent po ‘yong ating mga ginagawa,” saan ng alkalde.

“Makikinig po kami sa economic team, makikinig din kami sa health experts at titingnan natin baka naman merong paraan kung paano mabalanse ang mga bagay na ito nang hindi naman nasasakripisyo ‘yong kalusugan,” dagdag pa niya.

Maging sina Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, San Juan City Mayor Francis Zamora at Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ay sang-ayon ding panatilihin ang General Community Quarantine (GCQ) sa NCR.

Samantala, ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, magpupulong ang Metro Manila Council (MMC) mamayang gabi para talakayin ang usapin.

“Sa pagmi-meeting po ng aming local task force pati ng aming CESU [City Epidemiology and Surveillance Unit], talaga pong hindi pa ho napapanahon na luwagan. Mamaya po’y idi-discuss po iyan at iko-consolidate po lahat po ng aming observation mamaya po sa meeting,” ani Olivarez.

Matatandaang binawi na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na payagang lumabas ang mga edad 10 hanggang 65 taong gulang sa mga lugar na nakasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).

Facebook Comments