Metro Manila, nilinaw na 18 hanggang 65 taong gulang pa rin ang pwedeng lumabas ng bahay ngayong GCQ

Iginiit ng Metro Manila Council (MMC) na 18 hanggang 65 taong gulang pa rin ang pinapayagan lumabas ng bahay habang umiiral ang General Community Quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay MMC Spokesperson at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, hindi dapat malito ang publiko dahil wala pang umiiral na ordinansa ukol dito.

Aniya, noong Martes ng gabi, nagpulong ang mga alkalde ng Metro Manila at nagkaisa ang mga ito na panatilihin ang kasalukuyang edad na pinapayagang lumabas ng bahay ngayong GCQ.


Bago aniya kasi ipatupad ang panukala ng Department of the Interior and Local Governmeent (DILG) na bagong age category na pwede nang lumabas ng bahay ngayong GCQ, kailangan din aniya munang kumonsulta ang MMC sa mga eksperto tulad ng Philippine Pediatric Society (PPS) bago magbaba ng ordinansa ukol dito.

Nanawagan din si Garcia sa publiko na huwag muna mag-anyaya ng mga bisita sa bahay sa pagdiriwang ng Pasko.

Aniya, mas mainam na pamilya na lang muna ang magsalo-salo ngayong Pasko upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Facebook Comments