Posibleng ibaba na sa low risk ang COVID-19 classification ng National Capital Region sa susunod na dalawang linggo.
Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research Group, ito ay kung magpapatuloy ang pagbaba ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Kahapon, umabot sa 2,008 ang bagong kaso sa NCR mula sa kabuuang 16,953 na naitala ng Department of Health sa buong bansa.
Sa kasalukuyan aniya ay nasa -68 na ang growth rate sa NCR habang nasa 23.01 naman ang Average Daily Attack Rate o ADAR.
Samantala, bumaba rin sa 0.47 ang reproduction number o bilis ng hawahan ng virus sa Metro Manila mula sa 0.50 noong Enero 29.
Pero sa kabila nito, nananatili naman sa “very high” ang COVID-19 positivity rate na nasa 20%.
Bukod sa NCR, moderate risk din ngayon ang mga lalawigan ng Cavite at Rizal habang nasa high risk ang Batangas, Laguna at Quezon.