Manila, Philippines – Sinimulan na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS ang kampanya nito para sa pagtatanim ng isang milyong puno sa ipo Dam.
Katuwang ang Department of Environment and Natural Resources, mga Local Government Units, business sectors at civic organization ay sisimulan ang pagtatanim ng isang milyong puno sa Hunyo 23.
Ang adhikaing ito ay pinangunahan ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco bilang paghahanda sa ika-140 taong pagkakatatag ng ahensya at paggunita sa Arbor Day.
Ayon kay Velasco, ang pagtatanim ng isang milyong puno ay gagawin na kada taon bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para protektahan ang mga watershed.
Paliwanag ni Velasco anim na mga watershed ang planong lagyan ng isang milyong Puno at ito ay ang Umiray Dam, Angat Dam, Ipo Dam, La Mesa Dam, Marikina River at Laguna Lake watershed.
Ang mga nabanggit na anim na watershed ang siyang pinagkukunan ng inuming tubig ng mahigit 25 milyong mga residente ng Metro Manila.
Dagdag pa ni Velasco, hindi lamang pagpapaberde ng kalikasan ang hangad nila kundi maproteksyunan ang mga Watershed upang magkaroon ng isang malinis at masustansyang inuming tubig.
DZXL558