Minamadali na ng Bureau of Customs (BOC) Collection District 12 ang distribusyon ng mga abandonadong balikbayan boxes na nasa Port of Davao at Sub-Port of Dadiangas.
Ayon kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz, maaaring i-claim ng pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang kanilang balikbayan boxes.
Ang balikbayan boxes sa Port of Davao ay maaaring kunin sa Panabo Bypass Road, Brgy. Cagangohan, Panabo City at ang mga pinadala naman sa Sub-Port of Dadiangas ay maaaring makuha sa JJM Warehouse, Banisil, Brgy. Tambler, Gen. Santos City.
Wala aniyang babayaran ang mga claimant ngunit kailangang magpresenta ng dalawang valid o government ID, proof of shipping documents, photocopy ng pasaporte ng sender at authorization letter kung natanggap na ang mga balikbayan boxes ng kanilang mga representante.