Mga aberya sa Overseas Absentee Voting, sisilipin sa Kamara

Iimbestigahan sa Kamara ang napaulat na magulo at hindi organisadong Overseas Absentee Voting (OAV) sa ibang mga bansa kaugnay ng halalan 2022.

Sa House Resolution 2554 na inihain ng Bayan Muna Partylist, ay pinakikilos ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na magsagawa ng pagdinig upang makalikha ng mga hakbang para matugunan ang mga naging problema.

Ilan lamang sa mga naging problema sa OAV na tinukoy sa resolusyon ay ang mga reklamo ng mga botante sa Hong Kong na hindi nakaboto sa unang araw ng overseas voting.


Dagdag pa rito ang kakulangan ng mga Vote Counting Machines o VCMs na nasa lima na lamang kumpara sa sampu sa mga nakalipas na halalan at ang mga ulat na “pre-shaded ballots” na ibinigay sa mga botante.

Maliban naman sa Hong Kong, may mga ulat din ng aberya o problema sa overseas voting sa Dubai, Saudi Arabia, Japan, Amerika at iba pang mga bansa.

Facebook Comments