Para kay Senator Francis Tolentino, normal o inaasahan na ang pagkakaroon ng ilang aberya sa unang araw ng absentee voting para sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Reaksyon ito ni Tolentino sa reports na naging magulo at hindi organisado ang umpisa ng Overseas Absentee Voting (OAV) sa Hong Kong habang naantala naman ang pagdating ng balota at iba pang election paraphernalia sa North America.
Ayon kay Tolentino, wala sa kontrol ng Commission on Elections (COMELEC) ang naging sitwasyon sa Hong Kong na nagkaproblema dahil sa pila na umabot sa dalawang kilometro, bagay na ikina-alarma ng mga otoridad doon dahil mataas pa ang kaso ng COVID-19 kaya pinauwi muna ang ibang botante.
Diin ni Tolentino, isang buwan pa naman ang absentee voting kaya ang mga pinauwing Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Hong Kong ay may pagkakataon pa na bumoto.
Giit ni Tolentino, sa ilang bansa lang nagkaproblema ang unang araw ng OAV at naging maayos naman ang simula nito sa ibang bansa tulad sa Middle East.