Cauayan City,Isabela- Handang tugunan ng pamunuan ng Cauayan-San Mariano Jeepney Association ang reklamo ng ilang pasahero sa umano’y pang-aabuso ng ilang tsuper ng pampasaherong jeep dito sa Lungsod ng Cauayan.
Ayon kay ginoong Bryan Honrado, ang Presidente ng naturang samahan, aminado ito na may ilang pagmamalabis ang ilang kasamahan nito sa pakikitungo sa ilang mga pasahero kaya’t humihingi ito ng dispensa sa lahat ng mga pasahero kung nagkakaroon man ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga tsuper.
Aniya, nakahanda umanong parusahan ang sinumang tsuper na mapapatunayang lumalabag sa mga panuntunan na inilatag ng nasabing samahan.
Samantala, pinulong ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kalahati sa kabuuang bilang ng mga tsuper na bumabyahe mula bayan ng San Mariano patungong Cauayan City o vice versa upang madagdagan ng kaalaman tungkol sa mga batas trapiko na ipinapatupad ng nasabing ahensya.
Dagdag pa rito ay upang mapaalalahanan rin ang mga ito tungkol sa kanilang mga obligasyon sa publiko bilang tsuper ng mga pampublikong sasakyan.