Mga ahensya na nilikha sa pamamagitan ng batas, hindi maaaring basta buwagin ng Malacañang

Ipinaalala ni Sen. Koko Pimentel sa Malacañang na hindi nito maaring basta buwagin ang mga ahensya ng gobyerno na nilikha sa pamamagitan ng batas para sa planong rightsizing o pagbabawas ng ahensya at mga tauhan ng gobyerno.

Reaksyon ito ni Pimentel sa pahayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Mina Pangandaman na pinagpupulungan na nila sa economic team ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagbuo ng isang rightsizing bill kung saan bubuwagin ang ilang ahensya ng gobyerno para makatipid.

Paliwanag ni Pimentel, kailangang gumawa muli ang kongreso ng batas para mabuwag ang ahensya na nalikha sa pamamagitan ng batas.


Sabi ni Pimentel, ang Ehekutibo ang tutukoy ng ahensyang bubuwagin pero kongreso ang huling magdedesisyon.

Dagdag pa ni Pimentel, kailangan ding isabatas ang pagbibigay ng kompensasyon at benepisyo sa mga empleyado ng bubuwaging ahensya, gayundin ang pagdispose sa assets ng ahensya.

Bilang inaasahang mamumuno sa Minority bloc ng Senado ay sinabi ni Pimentel na sa ngayon ay nakaantabay lang muna sila sa magiging kabuuang plano ng Marcos administration ukol sa rightsizing.

Facebook Comments