
Umapela si Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development Chairman Erwin Tulfo sa mga ahensya ng gobyerno na paghandaan at tiyakin ang tulong na maaaring ibigay sa mga sektor na mangangailangan lalo’t posibleng humaba pa ang hagupit sa ekonomiya ng gulo sa Middle East.
Kinalampag ng mambabatas ang mga kagawaran na magsanib-pwersa para protektahan ang mga mahihirap na kababayan at paghandaan ang pagbibigay pa ng tulong sakaling tumagal ang tensyon sa Gitnang Silangan.
Aminado si Tulfo na nababahala siya at kailangang makapaghanda ngayon pa lamang ang gobyerno para sa mga ayudang maibibigay sa mga kababayan lalo na ang mga kabilang sa vulnerable sector tulad ng mga manggagawa.
Hinamon ng senador ang mga ahensya na isama sa bibigyan ng tulong ang mga tinatawag na “near-poor” o iyong mga kumikita lang ng minimum wage na madalas ay nakakalimutan sa mga social assistance program.
Kabilang na rito ang mga bagger sa supermarket, cashier, janitor at security guard.
Ibinabala pa ni Tulfo na lalong bibigat ang pasanin ng mga pamilya kapag nagsimula na ang pasukan lalo’t inaasahang tatagal pa ng tatlong buwan o higit pa ang gulo sa Middle East.










