Mga ahensya ng gobyerno, pinamamadali sa paglalabas ng pondo sa pinalawig na Bayanihan 2

Kinalampag ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin, ang mga ahensya ng gobyerno na bilisan ang paglalabas ng pondo sa ilalim ng pinalawig na bisa ng Bayanihan 2 o Bayanihan to Recover as One Act.

Giit ni Garin, napakahalaga ng panukala para maisalba ang tuluyang pagbagsak ng ekonomiya ng bansa.

Ang anumang delay o pagkaantala sa mga programa at proyekto sa ilalim ng Bayanihan 2 o RA 11494 at malinaw na disservice sa mga Pilipino lalo’t mahalaga na maipatupad ang mga programa para sa muling pagbangon ng bansa sa epekto ng COVID-19.


Batay sa huling report ng Department of Budget and Management (DBM) mayroong P60 Billion ang hindi pa nagagamit para sa pandemic response at recovery fund.

Ang pagkakaapruba ng Kamara sa panukalang extension ng Bayanihan 2 hanggang June 30, 2021 ay magbibigay ng espasyo para sa disbursement ng pondo partikular sa pagbibigay ng COVID-19 special risk allowance sa mga public at private health workers.

Kumpyansa naman si Garin na ang isinusulong na economic stimulus package na Bayanihan 3 (Bayanihan to Rebuild as One Act) ay makakatigan din sa Kamara at magiging daan para sa muling pagsigla ng ekonomiya.

Facebook Comments